Pagninilay
Part of the Reflections from the Young Sisters Meeting
by Sr. Bubbles Bandojo, rc
Magsisikap akong magbahagi sa Pilipino. Doon kasi sa pulong hindi lang iilan ang nagtanong at nagtaka kung bakit daw Ingles ang salita natin. Hindi tayo masyadong ngasasalita sa sarili nating wika. Bakit daw ganoon? Bakit nga ba?
Ano ang nananatili sa akin matapos ang pagtitipon ng mga nakababatang madre natin? At ano ang nakikita kong hamon na dadalhin sa ating rehiyon? Ilang ulit ko na ring binali-baligtad sa isip ko ang mga tanong na ito nitong huling linggo pag-uwi namin.
Ano ang nananatili? Ah, isa at isa lamang. Nakasaad ito nang malinaw na malinaw sa unang bahagi ng huling pahayag mula sa pagpupulong:
We have heard a great love for the congregation…
Narinig namin ang isang malalim na pagmamahal para sa kongregasyon. . .
Napaluha ako nang marinig ko ito. Para sa akin ibinubuod ng pahayag na ito ang diwang namayani sa pagpupulong. Kung naging konkreto man ang pagiging bukas, tapat, payak ng bawat isa, iyon ay dahil malalim ang pagmamahal sa Senakulo. At napakalawak, napakalalim, napakaganda ng Senakulong naranasan ko: singlawak, singlalim at singganda ito nina Lydia at Josephine mula sa Madagascar, nina Delma at Nazare ng Brazil, nina Nathalie at Laurence ng Pransiya, nina Jackie at Mary ng Estados Unidos, nina Irene at Luisa ng Italya, ni Kate ng Inglatera. Nakakamangha!
At ito naman ang nakikita kong hamon: Paano kong madadala at maisasabuhay sa rehiyon ang pagmamahal na ito? Tiyak na tanong ito para sa akin. At tiyak din ang hinihinging tugon sa akin. Lagi kong sinasabi kay Meny nang pabiro, pero seryoso din, “Meny, hindi ako poproblemahin ng rehiyon.” Ang ibig kong sabihin, itinataya ko ang sarili ko dito. Pagsisikapan kong iayon ang aking pagpili sa direksiyon at bisyon natin bilang isang rehiyon. Ipinangako namin ng iba kong kasama sa KKK ( 40’s group ) na magsasabihan kami kapag nalilihis kami. Dasal kong hindi ako mabulagan na unahin ang pansarili kong nais kaysa kabutihan ng lahat. Sana huwag akong mangiming ibahagi ang katotohanang nakikita ko at pinaniniwalaan. Huwag sana akong mapipi sa gitna ng malalakas na boses. Humihingi din ako ng lakas upang mangahas na ibigay ang sarili ko sa tawag ng pagbabago. At sa ilalim ng lahat ng ito, patuloy kong pagsisikapan at hihilingin sa Diyos na ako ang una Niyang baguhin alang-alang sa ating mga hinahangad at pinapangarap para sa Kanyang bayan.
At huli, sana mapangiti ko kayo dito. Bukod sa mabibigat na bagay na nabanggit ko sa itaas, gusto ko ring ipakita ang pagmamahal ko sa pagmamagitan ng pagbibigay-saya at pag-asa hindi lamang sa mga taong pinagsisilbihan natin kundi sa inyo ring mga kapatid ko sa Senakulo,unang-una dito sa ating rehiyon. Marahil hindi ako laging magtatagumpay, pero pangako, lagi ko itong pagsisikapan. Sana maging masaya kayo na kapatid ninyo ako. Kasi ako, sa kabila ng lahat, nagpapasalamat ako. Masaya ako.

